marnekilates::nameabledays

Bakit Panitikan ang Panitikan

O Bakit Hindi Ito Maaabot ng Kamangmangan ni Carlo J. Caparas

(Talumpati para sa Kumbensiyon ng UMPIL sa GSIS Museum, 29 Agosto 2009)

 

ni Virgilio S. Almario

 

SA BANDANG DULO ng Isang Introduksiyon sa Kritika ng Ekonomiyang Politikal ay biglang nabanggit ni Karl Marx ang mahiwagang halina ng sining at tulang epiko ng mga Griyego. Bakit daw “patuloy na nagdudulot sa atin ng kasiyahang estetiko ang mga ito at sa ilang pagkakataon ay itinuturing na isang sukatan at mahirap mapantayang ideal” hanggang sa kasalukuyang sining at panitikan?

 

                  Sinadya man o binanggit lamang, si Marx mismo ang nakadamá sa isang malaking anomalya sa binuo niya noong ekonomiyang politikal. Hindi dapat mangyari na ang likha sa panahon ng sinaunang lipunang alipin ay patuloy na umakit ng paghanga sa modernong lipunang kapitalista. Alinsunod sa pagsusuring Marxista, dapat sanang namatay ang pang-akit ng sining ng mga Griyego kasabay o pagkaraan ng pagkamatay ng lipunan at sibilisasyong Griyego. At tulad ng isang dakilang palaisip, sinikap ipaliwanag ni Marx ang binanggit na problema sa kasunod na talata. Ikinompara niya ang sinaunang lipunang alipin sa yugto ng kamusmusan ng sibilisasyon at ipinanukalang ang bighani ng sining Griyego ay maitutulad sa katuwaang dulot ng musmos sa atin at sa kaligayahan nating gunitain ang isang yugto ng buhay na hindi na magbabalik.

 

                  Ngunit lubhang maikli at “di-Marxista” ang kaniyang paliwanag. Kapuna-puna kahit ang hindi marahil sinasadyang paggamit sa metaporang pansibilisasyon ni Hegel. O marahil, sadyang hindi sapat ang kaniyang materyalistang diyalektika upang magagap ang “hiwaga” ng bighani ng sining at panitikan—ang estetika o ang pagiging sining ng sining at pagiging panitikan ng panitikan. Kahit dito sa Asia, hindi lamang pook panturista ang Taj Mahal, Angkor Wat, at Borobodur. Bahagi ng gilalas sa mga ito ang nakagugulat na matandang sining at arkitektura na mahirap pantayan ngayon kahit sa tulong ng modernong mekanika’t teknolohiya. Kagila-gilalas hindi lamang ang higit na haba ng Mahabharata at Darangan kaysa Iliad kundi maging ang harayang humubog sa salaysay upang maakit ang nakikinig o bumabása sa pagsunod sa masasalimuot na detalye ng digmaan at pakikipagsapalaran at “maniwala” sa pakikialam ng mga bathala at paggamit ng kataka-takang mga sandata. Para sa ortodoksikong pagtanaw na Marxista, mga likha ito ng paggawa, at sapagkat produkto ng paggawa ay bunga ng naghaharing ugnayan sa produksiyong ekonomiko. Sa gayon, nakatakdang maglaho ang produkto ng paggawa kapag napalitan ang naghaharing ugnayan sa produksiyong lumikha nito. Ang Angkor Wat ay bunga ng namayani noon at naglaho nang lipunang relihiyoso sa Cambodia. Ang Darangan ay epikong-bayan ng mga Maranaw bago pa nila yakapin ang Islam. Ngunit nanlalaki ang mga mata ngayon ng mga turista, hindi sa kapangyarihan ng relihiyong nag-utos sa Angkor Wat kundi sa napakayamang imahinasyong ibinuhos sa pagpapalamuti sa mga dingding at ibang bahagi ng templo. Hanggang noong panahon ng Amerikano ay umaalingawngaw sa paligid ng Lawang Lanaw ang pag-awit saDarangan ng mga Muslim nang Maranaw upang wari’y hindi mawala sa kanilang isip ang dakilang salaysay ng kanilang mga ninuno. At dito ako higit na nagtitiwala sa kritika ng Pangkating Frankfurt, lalo na kina Theodor Adorno, Walter Benjamin, at Herbert Marcuse, sa paggigiit ng isang naiiba’t nagsasariling pagsasaalang-alang sa subersibo’t rebolusyonaryong gawaing estetiko, sa mga saloobing sikolohiko ng anyo upang muling-likhain ang katunayan na hindi nadidiktahan ng ugnayan sa produksiyong ekonomiko at ng tunggalian ng mga uri sa lipunan.

 

Ang Kalayaan ng Panitikan

 

May sarili’t matatag na pamantayan kung bakit panitikan ang panitikan. Muling nililikha ng panitikan ang daigdig nito sa pamamagitan ng daigdig sa panitikan. Ito ang batayang sandigan ng kalayaan nito at kung sakali ng bisà nitong mapagpalaya. Marahil, ito ang hindi matanggap noon ni Marx habang pinoproblema ang matagal na bighani ng sining at panitikang Griyego. Kung bakit panitikan ang panitikan ang lalo namang hindi káyang paglimian man lamang ng kamangmangan ni Carlo J. Caparas.

 

                  [Ang banggit ko kay Carlo J. Caparas ay nangangailangan ng paliwanag. Paano ba napasok ang isang pusakal na magkokomiks sa isang marangal na usapan? Kayâ una sa lahat ay nais kong ihingi ng tawad ang bagay na ito. Ngunit isang magandang pagkakataon na sinulat ko ito sa panahong umaatikabo ang alingasngas hinggil sa mga DNA (Dagdag National Artist) na ipinroklama ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo nitong Miyerkoles, 29 Hulyo 2009. Isa si Caparas sa apat na DNA at pinakamasigasig ipagtanggol ang sarili laban sa mga batikos. Katulong ang ikalawang asawang si Donna Villa, mga kakutsabang sina NCCA Executive Director Cecille Guidote-Alvarez at Undersecretary Vilma Labrador, at mga kasama sa raket na gaya ni Manuel Morato ay halos dumugin nila ang radyo, TV, at tabloyd upang (1) ipagtanggol ang pribilehiyo ng Pangulo ng Filipinas sa pagpili ng Pambansang Alagad ng Sining, (2) igiit ang sariling katangian bilang isang alagad ng sining, at sa silakbo ng pagtsutsumikap (3) purihin si GMA bilang isang mahusay na lider. Nasa Korte Suprema na ang kaso hinggil sa diskresyon ng Pangulo. Ngunit ang paggigiit ni Caparas sa kaniyang katangian ay katawa-tawa kung hindi kakatwa at hindi sinasadyang gumagamit ng “tunggalian ng mga uri” o ng inaakala niyang tunggalian ng mga uri sa panitikang pambansa. Nairekord sa PDI noong 10 Agosto 2009 ang ganito niyang pahayag:

 

                                    “I am thankful for this experience because I have seen the

 height of our society’s hypocrisy. The elite are angry because I

was able to enter their territory. I’m from the bakya (masses).

They are not.”

 

Ibig hatiin ni Caparas ang panitikan alinsunod sa madlang mambabása. Ang isang uri na may maliit na bilang ng mambabasa ay tinatawag niyang panitikang “elitista” at kinabibilangan ng mga kasalukuyang National Artist F. Sionil Jose, Bienvenido Lumbera, at ng inyong lingkod. Nasa kabilang dulo ng timbangan ang panitikang “pangmasa” na pinangunahan niya bilang negosyante ng akdang komiks at pelikulang komersiyal.]

 

                  Sa ubod, iisa ang pamantayang pampanitikan sapagkat iisa lamang din ang panitikan. Ang ibang panitikan ay laging nangangailangan ng pang-uri, halimbawa, panitikang pambatà, panitikang pang-akademya, panitikang pampolitika (lalo na yaong tipong ginagamit sa kampanyang pampolitika), panitikang pampaaralan, panitikang popular, at ang espesyalisasyon ni Caparas na panitikang komersiyal. Kailangan ang pang-uri upang ipakilala ang dakila o makalupang layunin ng manunulat na pumasok sa mga naturang natatanging mundo ng pagsulat at upang hindi ipataw sa kanila ang bigat at dangal ng pangkalahatang pamantayang pampanitikan. Dapat sanang may panitikang pang-araw-araw (na ugat ng journal, diyaryo, at diary) upang ibukod ang nagmamadaling paglilingkod sa mga peryodiko ngunit nagtayô ito ng sariling republika sa pangalang “Peryodismo” bagaman malimit na may peryodistang nagtatangkang itanghal sa lathalain o kolum ang pangarap na kilalaning sanaysay na pampanitikan.

 

 

Kaso ng Naghahari at Pinaghaharian

 

Sa kabilang dako, nilalaman ng banat ni Caparas hinggil sa etiketang “panitikang elitista” at “panitikang pangmasa” ang binuksan noon pang paghahati ng lipunan alinsunod sa maliit na naghaharing-uri at sa malawak na pinaghaharian at inaaping uri. May bakás ito ng away noong bago magkadigma ng mga manunulat ng Sining-para-sa-Sining na sinasagisag ni Jose Garcia Villa at ng mga manunulat na makalipunan na kinakatawan ni Salvador P. Lopez. Subalit higit na tumingkad ang naturang urian sa panahon ng aktibismo nitong magtatapos ang dekada 60 hanggang bungad ng dekada 70 at dahil na rin sa pagsisikap na ibandila ng mga protesta laban sa rehimeng Marcos ang Marxistang esensiya ng nagaganap na pagkilos pampolitika. Kung may tunggalian ng mga uri sa lipunan, alinsunod sa pormulasyon ng PAKSA (Panitikan para sa Kaunlaran ng Sambayanan)—ang itinayông bisig pangmanunulat ng kilusang aktibista para sa National Democratic Front, naiiralan ng taglay na makauring kamalayan ang pag-akda ng isang manunulat. Sa gayon, may panitikang reaksiyonaryo o naglilingkod sa interes ng naghaharing-uri, at kasalungat nito ang inaasahang panitikang rebolusyonaryo o lumalahok sa pakikibaka ng inaaping uri para sa higit na kalayaan at katarungan.

 

                  Ang problema ni Caparas ay medyo nakaiwanan na ng panahon ang kaniyang nais sariwaing kamalayang pangmanunulat. Pagkaraan ng halos kalahating siglo, lumawak na ang pananaw ng mga propeta ng panitikang makalipunan. Upang maging politically correct ngayon ay kailangang makilala ng manunulat na makalipunan na may ibang mapang-aping kamalayan bukod sa naghaharing uri sa kabuhayan at lipunan. Kahit pangmasa si Caparas, bakâ hindi siya makapasa sa uriang falosentriko—dahil tipo pa naman siyang pa-macho—ng mga feminista at sa uriang panlahi ng mga Itim at sumasalungat sa naghaharing kaisipang Oryentalista sa Europa, Estados Unidos, at ibang lipunang Puti.

 

                  Hindi rin maaabot ng kamangmangan ni Caparas na wala sa dami ng benta ang timbangang pampanitikan ng panitikan. Kung masusunod ang kaniyang komersiyanteng pamantayan, dapat nang idineklarang Nobel Prize Laureate si J.K. Rowling pagkalimbag ng kaniyang ikalawang aklat, gayundin ang ginagaya ni Caparas na mga manlilikha ng Marvel superheroes. Ngunit bakit walang bestsellers sa hanay nina Gabriela Mistral, Octavio Paz, James Joyce, William Faulkner, Boris Pasternak, Kawabata, Wole Soyinka, Derek Walcott, Nadine Gordimer, Tagore, at Wislawa Szymborska? Pinakamalakas nang magbentang Nobel Prize winner sina Saul Bellow at Gabriel Garcia Marquez ngunit kakain sila ng alikabok sa bode-bodega’t barko-barkong order sa unang araw pa lamang ng paglabas ng Harry Potter.

 

 

Timbangang Komersiyalista

 

At kawawa si Rizal kapag tinimbang sa pamantayang komersiyalista. Ni hindi yata naubos ang ilang daang kopya ng Noli kayâ kailangan niyang muli ang tulong pinansiyal ng kaibigang Propagandista para mailathala ang Fili. Kawawa din siya, alinsunod sa tingin ni Morato, kapag nakasabay sa bangketa ng Maynila ng isang tulad ni Caparas. Bakâ ni walang makakilala sa kaniya habang dinudumog ng mga fans ang paborito nilang tulad ni Caparas. Ito marahil ang bukal ng mga istorya na hindi namatay si Rizal sa Luneta. Sapagkat wala namang may kilala kay Rizal sa mga guwardiya sibil, iba ang naaresto nila sa barko. Sang-ayon sa isang alamat, isang nagkunwang si Rizal ang nagpaaresto, nagpakulong sa Fuerza Santiago, nagpalitis, at nagsakripisyong barilin noong 30 Disyembre 1896. At kayâ marami ang umaasang buháy si Rizal at muling lilitaw upang pamunuan ang sambayanang Filipino sa panahon ng mga Amerikano.

 

                  Subalit si Rizal din ang patunay hinggil sa hungkag na pabato ng timbangang komersiyalista ni Caparas. Ilan bang Indio ang nakabása sa Noli at Fili? Bakâ wala pang sampu. O bakâ wala, sapagkat wala sa kanilang marunong bumása ng nobela, at lalo na’y nobela sa wikang Espanyol, ang wika ng edukasyong ipinagkait sa kanila ng mga mananakop. Ang maliit na pangkating ilustrado lamang ang maaaring makapagsabing nabása si Rizal bago sumiklab ang Himagsikang 1896. At sapat na iyon. Hindi kailangang matunghayan ng bawat isa sa sambayanang Filipino ang nobela ni Rizal. Sapat na ang isang maliit at “elitista” na marunong ng Espanyol at tinablan ng mabagsik na pagsusuri ni Rizal sa lipunang kolonyal upang magningas ang himagsik at mabuo ang subersibong Katipunan na nagwasak sa tatlong daang taong moog ng kolonyalismo sa Filipinas.

 

                  Sa isa pang dako, ano naman ang silbi ng paghalina sa daang libong madla ng komiks at pelikulang komersiyal kung hangad lamang aliwin at pagkakitahan? Daig pa ng lingguhang “itutuloy” sa komiks ang lingguhan ding sermon hinggil sa pag-asa at pagpapasakit sa mga Simbahan. Ang mga legal na opyo ng bayan. Hindi kataka-taka na magtagumpay sa pagkokomiks ang isang security guard at magkabahay sa Ayala Alabang, tulad ng pangyayaring isang obispo ng bagong pagsampalataya ang nakapagtayô ng isang simbahang nagkakahalaga ng P1 bilyon mula sa limos ng mga bulag at maysakit. Hindi nababaril sa Bagumbayan o pinaiinom ng lason ang mga milyonaryong propeta ng panitikang komersiyal.

 

 

Lunggating Pampanitikan

 

Kayâ lalong hindi maiintindihan ni Caparas ang wika ni Walter Benjamin na: “a literary work can be politically correct only if it is correct by literary standards.” Ang isang akdang pampanitikan ay maaari lamang maging wasto sa politika kung ito ay wasto alinsunod sa mga pamantayang pampanitikan. Isa itong lubhang matalinghaga kung hindi man makamandag na pahayag kahit para sa mga tibak sa UP na may ganap na pananalig sa mapagpasiyang tungkulin ng “baseng ekonomiko,” at lalo na ng “ugnayan sa produksiyon.”

 

                  Nakasandig ang pahayag ni Benjamin sa isang mapagpalayang paninindigan hinggil sa kasiningan ng sining o pagiging pampanitikan ng panitikan. Ipinapanukala nito ang isang kamalayang pampanitikan na nasasaklaw ngunit hindi kailangang naiiralan ng kaayusang panlipunan at pampolitika, kumikilos alinsunod sa pansarili’t nagsasarili nitong mithiin at pangitain ng panitikan upang magdulot ng pagbabago kapuwa sa daigdig ng panitikan at sa kasalukuyang daigdig na sumasaklaw sa panitikan. Sa ganitong pananaw, hindi isang sunod-sunurang kasangkapan ng lipunan para sa mga pagbabagong pangkabuhayan at pampolitika ang panitikan. Sa halip, aktibo itong kumikilos at nakikilahok sa mga paraan ng pagtistis at pagkilala sa kasalukuyan at pagbuo sa mga posibilidad ng hinaharap.

 

                  Noong 1957, ipinahayag ni Northrop Frye na ang buong estruktura ng sibilisasyon ay hindi lamang isang imitasyon ng kalikasan, gaya ng napulot nating idea ng mimesis mula kay Aristotle, kung hindi isang kabuuang anyo ng lunggati—ang lunggati ng tao na hubugin ang kalikasan alinsunod sa kaniyang kalooban. Halimbawa, kailangan niya ng pagkain at silungan. Ang lunggating ito ang nag-udyok sa kaniya upang hindi masiyahan sa mga ugat at yungib para sa kaniyang pangangailangan at mabuo niya ang sining at agham ng agrikultura at arkitektura. Inilahok ni Frye si Marx sa kaniyang pagsasabing: “The efficient cause of civilization is work,” ngunit upang idagdag na “and poetry in its social aspect has the function of expressing, as a verbal hypothesis, a vision of the goal of work and the formation of desire.” Sa gayon, ani Frye, ang dalubhasang pag-aninaw sa mga arketipo ay trabaho ng kritiko upang masdan ang panitikan hindi lamang bilang salamin ng kalikasan kundi bilang bahagi ng sibilisasyon o ng pangkalahatang kasaysayan ng lunggati ng tao na bigyan ng anyong pantao ang kalikasan.

 

                  Noon pang mga taong 1920-30 isiniwalat ng Pangkating Frankfurt na walang nagtatapat na salamin. Kung salamin man ang panitikan, isa itong magdarayang salamin. Bawat tayutay ng panitikan ay isang mekanismo ng pagbaluktot sa katotohanan. Pagbaluktot upang magdulot ng tinatawag nilang estrangement o ng tinatawag namang defamiliarization ni Slovski o kahit ng fantastique ni Todorov. Bawat talinghaga ng panitikan ay produkto ng napakatindi’t napakasidhing pagdamá sa katunayan ng ating daigdig kayâ dumarating sa atin pagbása bilang di-karaniwan, kataka-taka, at malimit na di-kapani-paniwala. At narito sa palagay ko ang mahalagang tandaan mula sa mga sirkulo sa Moscow, Prague, at Frankfurt kapag bumabása tayo ng panitikan. Ang pagbaluktot sa panitikan ay nagaganap sa wika—sa pamamagitan ng iba’t ibang laro o operasyong pangwika—sa pamamagitan ng nakagugulat at hindi akalaing paghahambing at parikala, sa paglalapat ng himig at musika sa pangungusap, sa paghihigpit o pagluluwag ng mga taludtod o talata, sa pagtitipid o pagmamalabis upang mabigyan ng diin ang napakahalaga, sa pagsasabi ng hindi karaniwang sinasabi at sa pagtimpi sa malimit o karaniwang sinasabi, sa pagpigil man o pagpapawala ng damdaming bunga ng matagal na paglimi sa gunita’t karanasan, sa pagdalisay sa magagaspang na lungkot at ligaya ng pang-araw-araw na búhay.

 

Panitikang Popular at Kasaysayan

 

Ngayon, hikbi ni Caparas, maliit daw ang tingin ng mga “elitista” sa kaniya dahil writer lamang siya ng komiks. Bukod sa mababàng pagtingin sa kaniyang sariling hanapbuhay ay totoong mangmang si Caparas sa kasaysayan.

 

Kung nabuklat man lamang niya si Rizal, matutuklasan niya na isang popular writer na tulad niya ang unang hinangaan ni Rizal. Ito si Balagtas, na siya ring kinikilalang unang dakilang makata sa kasaysayan ng panitikan sa Filipinas. Sumikat si Balagtas sa panahong ang awit at korido ang komiks ng sambayanan. Ano ang ginawa ni Balagtas sa Florante at Laura? Itinaas niya ang uri ng metriko romance mula sa paberso-bersong pagsasalaysay ng mga mga prinsipe’t prinsesa tungo sa isang orihinal at simbolikong awit ng pag-ibig sa kasintahan, magulang, at bayan. Bukod sa napakinis na pananaludtod at bagong talinghaga, humanga mismo si Rizal sa bisyong pampolitika ni Balagtas, kayâ nabigkas niyang isang dakilang makata at pilosopo si Balagtas. Nang itaghoy ni Florante na:

 

                                    Sa loob at labas ng bayan kong sawi

                                    Kaliluha’y siyang nangyayaring hari…

 

Nais lamang niyang itanghal ang kasawian ng bayang Albanya, ngunit nabása ni Rizal sa naturang taludtod ang kasawian ng kaniyang Filipinas at naging patnubay ng pambansang bayani sa pagsulat ng Noli. Isa pang tagahanga ni Balagtas at pinakapopular na makata ng ika-20 siglo, si Jose Corazon de Jesus, ang magpapaalingawngaw sa naturang malungkuting salamisim sa pamamagitan ng:

 

                                    Ibong mang may layang lumipad

                                    Kulungin mo at umiiyak;

                                    Bayan pa kayâng sakdal dilag

                                    Ang hindi magnasang umalpas?

 

At naging awit itong inawit noong panahon ng Amerikano hanggang sa EDSA I laban sa diktadurang Marcos.

 

                  Hindi masasagkaan kahit ng may-akda ang bisà ng kaniyang wika. Maaaring wala sa isip ni Balagtas ang Filipinas nang ipataghoy kay Florante ang “bayan kong sawi” ngunit nabása ni Rizal. Tiyak na wala sa pangarap man lamang ni Batute ang diktadurang Marcos ngunit tumimo ang kaniyang hibik hinggil sa “ibong may layang lumipad” sa mga Corista. Sa kabilang dako, ano ang ginawa ni Caparas sa komiks? Hinubog ba niya ang komiks upang, wika nga ni Frye, maging bahagi ng paghubog sa sibilisasyon?

                 

                  Hindi. Sapagkat nagsulat lamang siya ng komiks upang maghanapbuhay. Upang sa kasukdulan ay aliwin ang masa. “Aliwin ang masa?” Ito ang isang karima-rimarim na hangarin sa pagsulat. Kasindumi at kasimbahò ng motibong kapitalista na pagkakitahan ang anumang ibenta. Pinag-aaralan ng kapitalista ang hilig, pangangailangan, pangarap, at kahinaan ng masa upang maibenta ang anumang produkto sukdang ikamatay iyon ng bumili o ikasirà ng ating planeta. Pinag-aaralan din ng mang-aaliw ang hilig, pangangailangan, pangarap, at kahinaan ng masa upang ibenta ang kaniyang komiks, telenobela, o CD sukdang dumami ang pulubi sa bangketa at lumubog sa utang sa World Bank ang sambayanan. Na hindi nangangahulugang dapat maging “tinig ng maralita” ang manunulat. Maraming “tinig ng maralita” ang nais lamang pumalit sa mga trapo sa Kongreso upang maging bagong trapo.

 

Ang Bayan ng Panitikan

 

Ang totoo, hindi maaaring maging “tinig ng maralita” ang panitikan. Isang hibang na pangarap ito ng mga Marxista at ng mga apostoles noon pang panahon ni Kristo ng “panitikan mula sa masa at para sa masa.” Malimit na may dalawang opsiyon ang manunulat na may ganitong mithiin. Una, pag-aralan ang kondisyong pangkultura ng target na masa at itugma sa kanilang kakayahan ang uri’t paraan ng pagsulat. Ikalawa, pag-aralan din ang kondisyong pangkultura ng target na masa at idulot sa kanila ang uri’t paraan ng pagsulat na mag-aangat sa kanilang kamulatan at bibigkis sa kanila upang maghimagsik laban sa kairalan.

 

                  Kapag totoong pinag-aralan ng “tinig ng maralita” ang kaniyang target na madla ay malalaman niya ang matagal nang alam ng mga mang-aaliw, kapitalista, at trapong politiko. Dahil sa lubhang dukha ang buhay, dukha rin ang isip at damdamin ng madla. Biktima rin sila ng makapangyarihang pang-aapi at panlilinlang ng mga komersiyante’t politiko at ng napakahabàng kasaysayan ng pagkabigo sa pangangarap ng kaligtasan at ng panandaliang kaligayahang dulot ng aliwang pangmadla, mga bisyo (mula sa alak hanggang droga, mula sa huweteng at lotto hanggang sa casino), at sex. Anupa’t ang utak ng masa ay malayo sa mithiing Marxista hinggil sa “kamalayang proletaryado.” Sa halip na progresibo’t rebolusyonaryo, taglay nito ang lahat ng katangian ng tila eternal na kamangmangan—lumpo ang pangarap, kubikong ang halagahan at pananaw sa daigdig, at napakababaw ng kaligayahan.

 

                  Sa ganitong kondisyong pangkultura ng sambayanan, ano ang kahihinatnan ng dalawang opsiyon ng “tinig ng maralita”? Bababâ ba o mag-aangat? Sa unang opsiyon, imposibleng makasulat siya ng panitikan upang itugma sa kakayahan ng kaniyang mambabasa. Hindi siya maiintindihan ng masa. Sa ikalawang opsiyon, higit na kailangan niyang maging propagandista, masiklab na propagandista, kaysa maging makata o nobelista. Sabi nga ni W.H. Auden, hindi aalsa ang masa kahit sumulat ka ng sanlibong “Kung Tuyo Na ang Luha Mo Aking Bayan” at basáhin mo ito araw-araw sa Plaza Miranda.

 

                  Saklot ang sambayanan ngayon ng isang makasaysayang kondisyong pangkultura. Isang kondisyong pangkultura na nangangailangan ng mapagbago’t mapagpalayang edukasyon kung hindi man ng radikal na rebolusyong pampolitika’t pangkabuhayan. Ang nakababaliw na kondisyong pangkulturang ito ang inaaruga ni Caparas bilang komersiyanteng manunulat at ng mga kakutsabang kapitalista’t politiko. Inaaruga nila upang pagharian at pagkakitahan. Ang kondisyong pangkultura ding ito ang nagsasadlak sa panitikan sa labas ng kairalan. Salungat sa magandang kapalaran ng sining Griyego na hinangaan ni Marx, isang tagalabas ang makata’t alagad ng sining ngayon. Hindi siya nanaisin ng naghaharing uri. Hindi siya tatangkilikin ng mga kapitalista sapagkat hindi pinagkakakitahan ang kaniyang panitikan. Hindi nagbibigay ng mabilis at malaking tubò ang tula o maikling kuwento. Hindi rin siya mamahalin ng inaaping uri. Bakit? Hindi rin mauunawaan ng sambayanan ang kaniyang pansariling paggigiit ng pagkatao ng tao, sapagkat hindi iyon ang itinuro sa kanila ng relihiyon, ng telebisyon, ng paborito nilang komentarista, o kahit ng nabása nilang teksbuk sa elementarya. Bunga ng kamangmangan nilang hindi naiiba sa kamangmangan ni Caparas bakâ kondenahin nga nila ang panitikan na “elitista”— walang-silbi pagkat hindi nagdudulot ng kape’t tinapay, harang kung kulang sa libog at karahasan, lubhang malabo kung hitik sa alusyong mitolohiko’t Griyego, at kung pangahas sa pagbubulgar ng kabulukan sa kanilang lipunan ay isakdal nila mismo na Kaaway ng Bayan.

 

 

Ferndale Homes

25 Agosto 2009


 

Previous

Next 

◀◀ Home

 

Pages to the People

add to your friends

- Advertisements -
Locations of visitors to this page

Sign my Guestbook